Ang vascular dementia ay kondisyon na nagdudulot ng mga pagbabago sa mga kasanayan sa pag-iisip. Nagdudulot ng mga problema sa memorya, pagsasalita o balanse ang vascular dementia. Ang mga pagbabagong ito ay nangyayari nang biglaan o nagsisimula nang hindi malala at lumalala sa paglipas ng panahon.
Ano ang Sanhi ng Vascular Dementia (VaD)?
Ang vascular dementia ay sanhi ng mga kondisyong pumipinsala sa mga daluyan ng dugo, na binabawasan o hinaharangan ang daloy ng dugo sa utak. Maaaring bumara ang stroke sa isang arterya at magdulot ng iba't ibang mga sintomas sa memorya, pag-iisip, o mga pagbabago sa paggalaw. Ang iba pang mga kondisyon, tulad ng diyabetes o mataas na presyon ng dugo, ay maaaring makapinsala sa mga daluyan ng dugo at kalaunan ay humantong sa mga problema sa memorya o mga kasanayan sa pag-iisip.
Ang terminong vascular dementia (VaD) ay karaniwang tumutukoy sa unti-unting paglala ng lagay ng memorya at iba pang mga kognitibong function na ipinapalagay na dahil sa vascular disease sa utak. Ang mga pasyenteng may VaD ay kadalasang nagpapakita ng mga sintomas tulad ng sa mga pasyenteng may Alzheimer’s disease (AD), ngunit ang mga kaugnay na pagbabago sa utak ay hindi dahil sa patolohiya ng AD, kundi sa kronikong pagbawas ng daloy ng dugo sa utak, na nauuwi sa dementia kalaunan. Sa klinikal na usapan, magkaparehong-magkapareho ang mga naturang pasyente sa mga pasyenteng may AD, at kapag nangyari ito, napakahirap tukuyon kung ang alin sa dalawa ang sakit. Gayunpaman, ipinahihiwatig ng ilang klinikal na sintomas at natuklasan sa brain imaging na may papel, kung hindi man ganap na ipinaliliwanag, ang vascular disease sa kapansanang kognitibo ng pasyente.
Ano ang mga Risk Factor ng Vascular Dementia?
- Edad
- Paninigarilyo
- Mataas na presyon ng dugo
- Mataas na kolesterol
- Diyabetes
- Kaunti o walang pisikal na ehersisyo
- Di-malusog na diyeta
- Labis na katabaan (obesity)
- Paninigas ng mga arterya saanman sa katawan
Ano ang Kaugnayan ng Edad sa Vascular Dementia?
Karamihan ng mga may vascular dementia ay nagsisimulang magkaroon ng mga sintomas pagkatapos ng edad na 65, kahit na mas mataas ang risk para sa mga nasa 80s at 90s.
Ano ang Nangyayari sa Vascular Dementia?
Nagdudulot ng iba't ibang sintomas ang vascular dementia na nakadepende sa lugar ng utak na nasisira dahil sa kakulangan ng dugo. Halimbawa, maaaring magkaroon ng biglaang mga problema sa memorya, balanse, o pagsasalita ang taong na-stroke. Maaari din namang ma-stroke nang ilang beses ang isang tao nang hindi ito gaanong napapansin, pero maiipon ang pinsala sa paglipas ng panahon.
Maraming taong may vascular dementia ang may problema sa memorya. Nahihirapan ang iba sa organisasyon at paglutas ng mga komplikadong problema, bumabagal ang pag-iisip, o madaling nagagambala. Maaari ding magkaroon ng mga pagbabago sa mood o pag-uugali, tulad ng pagkamayamutin, pagkawala ng interes, o depresyon ang mga taong may vascular dementia.
Kung minsan, may problema sa balanse at paggalaw ang mga taong may vascular dementia. Kabilang dito ang panghihina ng isang bahagi ng katawan, at maaaring lumala ang mga sintomas sa paglipas ng panahon.
May mga Gamot ba sa Vascular Dementia?
Bagama't wala pang lunas sa vascular dementia, may mga gamot na makatutulong na mapagaan ng mga sintomas. Maaaring makatulong para sa vascular dementia ang mga gamot na ginagamit para sa mga problema sa memorya dahil sa Alzheimer’s disease. Kung minsan, nagkaroon ng mga pagbabago sa mood, tulad ng depresyon o pagkamayamutin, ang mga taong may vascular dementia. Maaaring mapagaan ang mga ito ng mga gamot tulad ng mga ginagamit para sa depresyon o pagkabalisa.
Anong Ibang pang mga Bagay ang Nakakatulong?
Bukod sa mga gamot, may iba't ibang paraan para matulungan ang taong may vascular dementia. Ipinakikita ng pananaliksik na nakatutulong ang pisikal na ehersisyo at pagpapanatili ng malusog na timbang para mapaganda ang kalusugan ng utak at mabawasan ang risk ng mga problema sa puso, stroke, at iba pang mga sakit na nakakaapekto sa mga daluyan ng dugo. Ang balanseng diyeta, sapat na tulog, at limitadong pag-inom ng alak ay iba pang mahahalagang paraan para sa ikabubuti ng kalusugan ng utak at para mabawasan ang risk ng sakit sa puso. Dapat ding gamutin, kung mayroon, ang iba pang mga sakit na nakakaapekto sa utak, tulad ng diyabetes, mataas na presyon ng dugo, at mataas na kolesterol.
Mga Resource
- A Patient’s Guide to Vascular Dementia (PDF)
- What is Vascular Dementia? (US News & World Report)
- American Stroke Association
- American Heart Association
- Alzheimer’s Association
- National Institute of Neurological Disorders and Stroke (NINDS)
- Heart Health and Aging
- Blood Pressure
- Diabetes
- Eating Well
- Exercise
- Smoking Cessation
- Family Caregiver Alliance
- National Institutes of Health