FTD Misdiagnosis

Ang mga taong may frontotemporal dementia (FTD) ay madalas na may maling diyagnosis na Alzheimer's disease, mga problema sa pag-iisip, vascular dementia, o Parkinson's disease. Ang mga maagang sintomas at ang imahen ng utak ang kadalasang pinakakapaki-pakinabang na magagamit para sa tamang diyagnosis.

Kaibahan ng Frontotemporal Dementia at Alzheimer’s Disease

Ang AD ang pinakakaraniwang dementia sa matatanda. Dahil dito, madalas na ito ang pangunahing sakit na isinasaalalng-alang ng doktor. Ngunit karaniwang nagsisimula ang Alzheimer's disease sa pagkawala ng memorya, habang ang FTD ay sakit na may kinalaman sa pag-uugali o wika.

  • Mahalagang salik sa posibilidad ng AD ang edad ng taong may sintomas. Kapansin-pansing tumataas ang posibilidad na magkaroon ng Alzheimer's disease habang tumatanda ka, samantalang maaari namang bumaba ang posibilidad ng FTD sa pagtanda.
  • Madalas na nagsisimula ang FTD sa mga kakaibang pagbabago sa pag-uugali (hindi tama sa mata ng mga tao, walang pakialam, padalos-dalos, atbp.), samantalang may tendensiyang manatiling may kasanayang sosyal ang mga may Alzheimer's disease sa mga unang yugto sa kabila ng kanilang mga problema sa memorya (maaaring sanay silang pagtakpan ang kanilang mga karamdaman). Sa malubhang AD, sa pangkalahatan ay may problema sila sa pamamahala ng kanilang mga pananalapi, nagpapakita ng hindi magandang paghuhusga at pagkamayamutin, at maaaring mahirap alagaan tulad ng mga taong may FTD.
  • Hindi ganoon kalala ang kawalan ng interes ng mga pasyenteng may AD, samantalang mas palasak ito sa mga pasyenteng may FTD at mas madalas na nagpapakita ng kawalan ng malasakit sa iba o kawalan ng inisyatiba.
  • Karaniwang may maaga at malubhang problema sa pag-aaral at pagpapanatili ng bagong impormasyon ang mga taong may AD. Sa paglala ng sakit, nawawala ang memorya sa bago at lumang impormasyon. Maaaring humantong ang mga problema sa memoryang ito sa mga problema sa wika, ngunit ang ugat ay ang problema sa pag-alala.  Kapag hinambing, karamihan ng hindi malalang pasyente ng FTD ay may kaalaman sa araw o oras, at ng kanilang lokasyon, at may kayang sumubaybay sa mga nagaganap na pangyayari. Maaaring hindi sila masuri nang maayos, ngunit maaaring dahil ito sa kawalan ng pag-aalala o pagsisikap sa oras ng pagsusuri.

Kaibahan ng Frontotemporal Dementia at mga Problema sa Pag-iisip

Kapag nangingibabaw ang mga sintomas ng pag-uugali, maaaring maipagkamali ang mga taong may FTD na nagkasakit sa kalagitnaan ng buhay sa mga pasyenteng nagkaroon ng depresyon sa pagtanda. Kapag sinimulan sa kabataan, maaaring maipagkamali ang FTD sa schizophrenia o bipolar disorder. Karaniwan sa bvFTD ang mga paulit-ulit na compulsive na gawi, at ang ilang pasyente ay may paunang diyagnosis ng obsessive-compulsive disorder. Dahil maaaring magkamukha ang kasaysayan at pagsusuri ng taong may problema sa pag-iisip at ng taong may FTD, maaaring makatulong sa paglilinaw ang neurosikolohikong pagsusuri at imahen ng utak. Makatutulong ang MRI na ekisan ang iba pang mga sakit at suportahan ang diyagnosis ng FTD.

Diyagnosis ng Frontotemporal Dementia

Kapag naekisan na ang iba pang mga suspetsa, isinasagawa ang diyagnosis ng FTD sa pamamagitan ng pagsusuri ng datos mula sa isang neurolohikong pagsusulit at personal na kasaysayan (na maaaring nagmula sa pasyente, pamilya, o ibang tagapag-alaga); mga neurosikolohikong pagsusuri na tumutulong sa pag-quantify ng memorya, wika, at iba pang mga kasanayang kognitibo; at isang imahen ng utak - karaniwang MRI (magnetic resonance imaging) na scan, ngunit marahil isang functional na scan tulad ng PET (positron emission tomography), na maaaring magpakita ng pagtaas o pagbaba ng aktibidad ng utak sa frontal at anterior temporal na mga bahagi.